Tuesday, March 15, 2011

Eto ang Tula


May ilang buwan na rin ang nakalipas mula nuong maimbitahan ako ng isa sa mga manunulat ng librong IPUIPO SA PIGING na dumalo sa paglulunsad nito sa 70 Bistros. Hapit sa oras at ilang kadahilanan kung kayat hindi nakadalo ngunit nangakong bibili ng kopya nito. Subalit dahil sa may kataasan ang halaga, hindi na rin nakuhang makabili at mabigat man sa dibdib, ay nawalan na ng pag-asang magkaroon ng kopya nito. Subalit sa kabutihang palad, nagtagpo muli ang aming landas at nabigyan ako ng kopya ng libro ng walang bayad, dahil sa ako ay tapat ngang kaibigan at katsokaran nuon pang nasa kolehiyo kami.

Agad ko itong binasa at sa pambungad palang ay ramdam na kaagad ang pwestuhan, ang tindig ng antolohiyang ito. Kontra-gahum sa naghaharing sistema sa larangan ng literatura at hindi ito takot bumangga at magsalita, maglantad at labanan, ang mga bangkaroteng sistema na namamayani sa ating lipunan. "Isang biro na lang kung ituring ng mayorya ng mga Filipino ang anumang postura na seryosong paggamit ng wika" eka nga ng pabliser ng libro na si Fermin S. Salvador at tagos nga sa libro ang kaseryosohan na ipahatid ang mensahe na pag-igihan at palaganapin ang paggamit ng wikang Filipino. Pero hindi lang natatapos sa paggamit ng wikang Filipino ang pagpapakita ng pagiging makabayan ng libro kundi sa mga akda mismo na naninindigan at nagtataguyod sa mga nararamdaman ng sambayanang Pilipino at mga aspirasyon nitong lumaya mula sa mga ganid at mapang-aping mga uri at istruktura sa larangan ng ekonomya, pulitika, at kultura.

Kakaunti palang ang nabasa ko subalit tumimo kaagad sa akin ang mga gawa ni Diana Galaura Cabote. Isang guro ng Literatura sa kolehiyo at aktibong organisador ng isang militanteng samahan ng mga Guro.

Sa kanyang tulang "Kay Nanay Nang Pinilit Akong Magpakasal," mistulang nasa tabi ka ng nagkukuwento ng eksena sa pagitan ng isang ina at kanyang anak sa harap ng kusina habang nagluluto. Banayad at puno ng kalinga ang tono ng bawat isa para sa isa't isa sa harap ng isang usaping mistulang hindi kayang resolbahin.

Nakahabi ang emosyon sa bawat galaw, kilos, at arte ng mga tao sa tula habang nagluluto (at naririnig ko pa ang pagkalansing ng mga kawaling wari'y nagkakabanggaan ng hindi sinasadya, o marahil, ay sadya). Ang tunog sa paggisa ng sangkap sa kumukulong mantika kasabay ng mainit na pagsigaw ng nanay sa anak dahil sa katigasan ng ulo nito, sa kanyang palagay. Ang sabay na paghiwa ng mga sahog habang sabay na dinaramdam ang sakit dulot ng tunggalian ng mga ninanais. Ang pag-iyak ng ina habang hinihiwa ang sibuyas na puti, kasimputi marahil ng inaasam niyang trahe de boda na sana'y isusuot ng anak sa kanyang kasal na hindi mangyayari.

Matikas ang dalawang babae na naguumpugan subalit nagkakaisa rin sa tibay ng paninindigan na suungin at tindigan ang anumang pagsubok at hamon na kinakaharap nila sa buhay.

May nakapagsabi na hindi kasanayan ng Pilipino na magbasa ng tula at isa na marahil ako duon subalit itong tula na ito ay nakapagbigay gana para muling bigyan pansin, aralin, basahin, at yakapin ang mga tulang Filipino ng mga Pilipino para sa mga Pilipino.

Kay Nanay Nang Pinilit Akong Magpakasal
Diana Galaura Cabote


Tila kusang huminto ang lahat ng tao, bagay
sa kusina nang sinimulan mo ang pag-alis
Sa bayong ng mga napamili mo sa palengke.
Nang inungkat mo ang hindi ko pagpapakasal
Sa lalaking kinakasama.

Ang katulong ay nataranta
Nang minadali mo ang mga sangkap
Ng lutuing ulam para sa tanghalian.
Nang sinabi mong wala nang magkakagusto
Sa babaeng katulad ko -
Ina sa pagkadalaga

Napaiyak ka nang sinimulan mong hiwain
Ang sibuyas na puti
Tulad ng inaasam mong trahe de boda.
Sabay banggit ko na wala sa kasal
Ang seguridad ng isang babae.

Pareho nating hiniwa ang mga bituka.
Lamang-loob ng baboy nang maliit ngunit
Hindi pino, dinurog ko sa aking lamay
At umasang kaya pang gawing likido
Ang pinilit na hinulmang dugo.

Tanong mo, bakit kinaya ko kayong
Palakihin nang wala ang tatay ninyo?
Sagot ko, kaya nga hindi pa rin
Ako magpapakasal sa kinakasama ko

Sabay sa iyong paggisa sa kumukulo nang mantika.

Sigaw mo, matigas talaga ang aking ulo
At ang katulong ay tumakbo
Palabas sa kusina,
Naiwan tayong dalawa.

Inamoy ko ang iyong niluluto,
Sabay sa huling sipon kong naiwan
Mula sa mahabang pag-iyak.

Hinanda ko ang lamesa
Para sa isang masarap na tanghalian
Sa paborito mong lutuin
Na dinuguang ulam.
Ibinebenta ang Ipuipo sa Piging sa Bookay-Ukay Bookstore.

No comments:

Post a Comment

LinkWithin

Related Posts with Thumbnails